Bumulagta sa bangketa ang dalawang traffic enforcer matapos silang barilin nang malapitan sa Meycauayan, Bulacan.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Manny Alcanar at Danilo Nuñez.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagmimiryenda sa Barangay Calbario ang mga biktima nang lapitan at barilin ng mga nakatakas na salarin.

Kaagad na dinala sa ospital ang dalawang biktima pero dead on arrival na si Alcanar, habang binawian din ng buhay si Nuñez kinalaunan.

Hinihinala ng mga awtoridad na posibleng may kinalaman sa krimen ang kanilang trabaho.

Iimbestigahan din ang social media post na may pagbabanta sa buhay ni Alcanar.--FRJ, GMA News