Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang batang lalaki na apat na taong gulang matapos siyang magulungan ng van nang dalawang ulit sa Angono, Rizal.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya nitong Miyerkules na ikinasawi ni John Alden Austria.

Sa kuha ng CCTV, makikitang paliko ang isang puting van na minamaneho ni Jose Rommel Gragera nang biglang sumulpot sa kanang bahagi ng sasakyan si John Alden.

Tumakbo pa ang bata sa unahang bahagi ng van at doon na siya nahagip at nagulungan nang umarangkada na ang sasakyan.

Tumigil naman at bumababa si Gragera para alamin ang nangyari, habang may bumuhat na sa biktima at isinakay sa van.

Gayunman, hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.

“Hindi na namin siya magising. Hindi po namin alam ang gagawing mag-asawa. Hindi ko man lang nakitang nag-aral ang anako ko,” hinanakit ni Jerico Austria, ama ng biktima.

Ayon sa pamilya ng biktima, kumakain daw sila nang nagpaalan si John Alden upang kumuha ng tubig. Hindi raw nila alam na humabol ang bata sa lolo nito.

“Hindi po talaga kasi hindi ko po talaga siya pinapalabas ng bahay. Alam po ‘yan ng mga magulang ko. Ang alam ko kukuha lang po siya ng tubig sa baba,” sabi ni Jennifer, ina ng bata.

Kasalukuyang nakakulong sa Angono Police si Gragera na humingi ng paumanhin sa pamilya ng biktima dahil sa nangyari.

“Mabagal naman po ang takbo ko. Hindi ko lang po, kasi po yung bata masyado pong maliit. Kasi po, kung nakikita niyo po, 'pag ganon ko po, sumusunod po siya,” paliwanag ni Gragera.

Handa rin daw siyang sagutin ang pagpapalibing sa bata.

Sinampahan na siya ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News