Isang sanggol ang natagpuang nakasilid sa loob ng isang bag na isinabit sa gate ng isang bahay sa Norala, South Cotabato nitong Martes.

Base sa salaysay ng uploader na si Mary Kris Aquino-Dela Cruz sa GMA News, bandang 5:30 ng umaga nang marinig ng tauhan ng kaniyang tiyuhin ang pag-iyak ng isang sanggol sa kanilang bahay sa Purok Aquino, Barangay San Miguel.

Kaagad itong pinuntahan ng tauhan hanggang sa makita niya ang isang asul na backpack na nakasabit sa kanilang gate.

Nang buksan ang bag, dito na bumungad ang isang sanggol na lalaki.

Ipinagbigay-alam kaagad ni Dela Cruz sa mga opisyal ng barangay ang natagpuang sanggol at dinala ito sa ospital.

Sinabi ni Dela Cruz na nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development Region 12 ang sanggol. --FRJ, GMA News