Kalunos-lunos ang sinapit ng isang rider na nasawi at naputulan ng dalawang paa matapos siyang magulungan ng dump truck sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, nakilala ang biktima na si Rommel Andres, 25-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nag-overtake umano ang rider sa kanang bahagi ng kalsada at bumangga sa isang tricycle.

Sa lakas ng pagkakabangga sa tricycle, tumilapon ang biktima at pumailalim sa dump truck na nauna na niyang naunahan.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Tumangging magbigay ng pahayag ang driver ng truck, habang desidido naman daw ang pamilya ng biktima na kasuhan ang driver ng truck.--FRJ, GMA News