Isang 13-anyos na lalaki na umaawat sa rambulan sa Tiwi, Albay ang nasawi matapos siyang saksakin ng salarin.

Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jade Rey Salvador Colarina.

Sa video, makikita ang pagkakagulo ng ilang kalalakihan sa gilid ng plaza sa Tiwi.

Hanggang sa maglabas na ng patalim ang isa at nang-unday na ng saksak.

Dalawa pa ang sugatan sa karahasan na si Hogie Guevarra, at isa pang lalaki na 19-anyos.

Kritikal ang kalagayan ni Guevarra at kailangang operahan.

Naaresto naman ang sinasabing nanaksak na 16-anyos lang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na matagal na umanong may alitan ang suspek kay Guevarra.

"Nag-undergo na po ng intervention ng DSWD [ang suspek] dito sa Tiwi tapos ready for inquest proceeding na po kami," ayon kay Police Lieutenant Niel Brijuega, Deputy Police, Tiwi-MPS. --FRJ, GMA News