Nasabat ang nasa P10 milyon halaga ng shabu umano'y sa naiwang bagahe sa bus sa Davao City.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na posibleng iniwan ng drug carrier sa bus ang kontrabando nang dumaan ang sasakyan sa checkpoint.

Tinitingnan na ang CCTV footage ng bus para matukoy ang taong nag-iwan ng bag.

Nai-turnover na sa Bunawan Police Station ang nasabat na ilegal na droga.

Samantala sa hiwalay na ulat, tinatayang aabot sa P28 milyon na halaga ng droga na nasamsam sa buy-bust operation sa Cebu City.

Isiniksik ang mahigit apat na kilo ng shabu sa pakete ng sitsirya para hindi mapansin ng mga awtoridad.

Naaresto ang suspek na si Roldan Rosales, na itinanggi na may kinalaman siya sa droga.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News