Nasawi ang dalawang katao matapos silang aksidenteng masagasaan ng ambulansya na inakala ng driver na naka-park mode na sa Juban, Sorsogon.

Sa ulat ng Regional TV News, lumabas sa imbestigasyon na agad umarangkada ang ambulansya nang ibaba ng driver ang handbrake, kaya nasagasaan ang mga biktima na nasa harap ng sasakyan.

Bukod sa mga namatay, isa pa ang nagtamo ng mga sugat sa insidente.

Mga empleyado ng Juban-LGU ang mga biktima at ang nakaaksidenteng driver ng ambulansya.

Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

Nasa kustodiya na ng Juban, PNP ang driver.--Jamil Santos/FRJ GMA News