Ang masaya sanang laro na tagu-taguan ng ilang bata sa Claver, Surigao del Norte, nauwi sa disgrasya nang matuhog sa bakal na bakod ang binti ng isa sa kanila.

Magtatago raw sana ang 11-anyos na si Edrey Lopez nang aksidenteng matuhog ang isa niyang binti sa bakal ng sinampahan niyang bakod.

Kaagad siyang sumigaw para humingi ng tulong sa kaniyang mga kalaro.

Nang makita ng mga tao si Edrey, nasa alanganing posisyon ang bata sa ibabaw ng bakod kaya hindi siya maaaring basta galawin.

Ang mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection, nagpasya na huwag galawin sa pagkakatusok ang binti ni Edrey upang hindi magdugo.

Sa halip, pinutol nila ang bakal at hinayaang nakakabit sa binti ni Edrey hanggang sa pagsugod sa kaniya sa ospital.

Ligtas kayang matatanggal kay Edrey ang bakal at papaanong nangyari ang naturang sakuna? Panoorin ang video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

--FRJ, GMA News