Isang nasa dalawang talampakang sawa ang nahuli sa loob ng banyo ng isang residential area sa kasagsagan ng mga pag-ulan at baha sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing maaaring napadpad ang sawa sa bahay sa Barangay Lugam dahil lubog sa tubig ang bukid sa lugar.

Sinabi ng nakahuling residente na nanghihina at may sugat ang sawa, na nagpapalit pa ng balat.

Ayon pa sa mga residente, hihintayin muna nilang gumaling ang sugat ng sawa bago pakawalan sa bukid.

Sa Tagbilaran, Bohol naman, nagsigawan ang mga residente sa Cogon sa kasagsagan ng gabi matapos mamataan ang isang dambuhalang sawa.

Tulong-tulong ang mga lalaki para mahuli ang sawa na biglang sumulpot sa lugar.

Nahuli rin kalaunan ang ahas at dadalhin sa Department of Environment and Natural Resources. -Jamil Santos/MDM, GMA News