Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ginang na pinagtataga na, sinilaban pa ng dati niyang kinakasama nang dahil umano sa selos sa San Miguel, Bulacan. Nadamay din ang 15 kabahayan.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Margiel Miranda, 43-anyos.
Naaresto naman ang suspek na si Emelito Viñas, dating live-in partner ni Margiel.

"Humihingi po ako ng tulong. Pagbalik po namin, napakalakas na po ng apoy. Mahal na mahal ko po 'yung asawa ko. Hindi ko naman po siya pinabayaan. Wala na lang po talaga akong nagawa," sabi ni Miguel Miranda, asawa ng biktima.

Paglalahad ni Miguel, nakahiga sila noon ni Margiel nang dumating ang suspek mula sa likod ng kanilang bahay.

Dito nagsimulang pagtatagain ng suspek ang kaniyang misis.

Sinubukan itong pigilan ni Miguel pero pinagtataga rin siya kaya nasugatan siya sa braso.

Nakatakas ang suspek, bago madakip sa isinagawang follow-up operations ng pulisya.

Sinabi ng San Miguel Police na dati nang nakulong si Viñas dahil sa ilegal na droga.

Ayon sa pulisya, selos ang motibo ni Viñas sa pagpaslang kay Margiel.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek, na nahaharap sa kasong homicide, attempted homicide at arson.

Samantala, nasa evacuation center kasalukuyan ang mga residenteng nasunugan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News