Napugutan ang isang rider nang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang pickup truck sa Padada, Davao del Sur.

Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa 19-anyos na biktima noong Biyernes na "Friday the 13th."

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng pickup truck na patungo sa direksyon ng Digos ang national highway sa Barangay Northern Paligue.

Pero bigla raw lumipat ng linya ng kalsada ang kasalubong na motorsiklo ng biktima at sumalpok sa pickup truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, napugutan ang rider at ilang minuto pa ang lumipas bago nahanap ang tumilapon niyang ulo.

Dinala na sa Malalag Davao Del Sur ang bangkay ng biktima, habang nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng pickup truck.--FRJ, GMA News