Nagtamo ng tig-isang tama ng bala ng baril sa ulo ang isang 25-anyos na ginang, at dalawang anak niya na isang-taong-gulang lang at pitong-buwang-gulang naman ang isa pa sa Himamaylan City, Negros Occidental.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na si Rose Egca, ang mga anak niya na isang babae at isang lalaki.

Nagbaril naman sa sarili matapos gawin ang krimen ng suspek na si Raymundo Diaz, 59-anyos, ka-live in ni Egca.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng isang tama ng bala sa noon si Egca, habang sa ulo at mukha naman binaril ang dalawang paslit.

Dead on arrival sa ospital ang mag-iina, samantalang namatay habang ginagamot sa ospital ang suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nag-away sina Egca at Diaz dahil gusto umano ng babae ng umuwi sa kanilang bahay sa Binalbagan para doon magdiwang ng kaniyang kaarawan.

Tumanggi umano ang suspek na nauwi sa sigawan hanggang madinig na lang ng kanilang kasambahay ang mga putok ng baril.--FRJ, GMA News