Wala nang buhay at duguan nang datnan ng mga awtoridad ang isang babae na nasa ilalim ng kama sa kaniyang bahay sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Margaret Serrano, 37-anyos, ng Barangay Quesban.

Ayon kay Police Lieutenant James Corsino, duty officer sa Calasiao police, tumawag sa himpilan ang kaibigan ng biktima at humingi ng tulong.

Nang magpunta ang mga pulis sa bahay, nakita si Serrano na nasa ilalim ng kama na duguan at wala nang buhay.

Sa ginawang pagsusuri, lumitaw na nagtamo ng anim na saksak sa katawan ang biktima.

Isa ang pagnanakaw sa nakikitang motibo ng mga awtoridad sa krimen dahil nawawala umano ang ilang gamit ng biktima.

Nanawagan naman ang kaibigan ng biktima na mabikyan ng hustisya si Serrano na inilarawan niya na mabait at halos kapatid ang kanilang turing.

Hindi nagbigay ng pahayag ang kaanak ng bktima at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News