Natagpuan sa kanilang bahay na duguan at sugatan ang isang 20-anyos na lalaki habang wala nang buhay dahil sa tinamong saksak ang kaniyang ina. Paliwanag ng anak, pinasok sila ng mga magnanakaw pero iba ang lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing 40-anyos ang nasawing ginang, habang itinago naman sa pangalang "Boyet" ang suspek na anak, na residente sa San Carlos City, Pangasinan.

Kuwento ng isa pang anak ng biktima, nadatnan niya sa bahay na duguan ang kaniyang ina, at ang nakatatandang kapatid na si Boyet.

Sinabi umano sa kaniya ng kaniyang kuya na nilooban sila ng tatlong lalaki na naka-jacket.

Pero sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na si Boyet mismo ang sumaksak at pumatay sa sarili niyang ina, at pagnanakaw ang motibo sa krimen.

Lumitaw din sa pahayag ng mga testigo na mayroon daw hindi pagkakaunawaan ang mag-ina.

Nagseseslos din umano ang suspek sa kaniyang kapatid.

Sa kabila ng paliwanag ni Boyet na nagpapagaling pa sa ospital, sasampahan siya ng pulisya ng reklamong parricide dahil sa pagkamatay ng kaniyang ina. --FRJ, GMA News