Ikinagulat ng mga nakasaksi sa sunog sa isang gusali sa Kolambugan, Lanao del Norte ang biglang paglabas ng isang bata galing sa gilid ng nasusunog na gusali.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing inaalam pa kung bakit naroon ang bata, na nagtangka pang bumalik sa loob ng nasusunog na establisyimento sa kasagsagan ng sunog.

Ayon sa mga taga-Bureau of Fire Protection, apat na establisyimento ang sinira ng halos apat na oras na sunog.

Aabot naman P2 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog, ayon sa BFP, at sinabing inaalam pa nila ang sanhi ng apoy. —LBG, GMA News