Arestado ang isang pulis matapos niyang saktan ang kaniyang misis na nakunan ng video at nag-viral sa Cagayan de Oro City. Paliwanag ng pulis, nasaktan niya ang asawa dahil sa selos.

Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV "One Mindanao," makikita sa video ang galit na galit na si Police Corporal Ronnie Ehem, nakatalaga sa Philippine National Police-Maritime Group, na ilang ulit na sinigawan at sinampal ang kaniyang misis sa kanilang bahay sa Barangay Iponan.

Maririnig din sa video ang isang batang umiiyak.

Matapos mag-viral ang naturang video, agad tumugon ang pulisya at hinuli ang kanilang kabaro.

Hindi na humarap sa camera ang inirereklamong pulis pero inamin niyang lasing siya nang magawa niya ang pananakit sa asawa.

Sinabi rin ng pulis na nagseselos siya pero tumanggi na siyang magbigay ng detalye. --Jamil Santos/FRJ, GMA News

Tags: