Labis ang pagdadalamhati ang mga magulang ng isang sanggol nang malaman nilang naputol ang ulo ng kanilang anak habang isinisilang umano sa isang ospital sa Bangued, Abra.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, inihayag ng ina na sanggol na sinabihan siya sa ospital na patay ang kaniyang sanggol nang mailuwal.

Pero hindi raw sinabi sa kanila na naputol ang ulo nito at nalaman lang nila nang mauwi na sa kanilang bahay.

Plano ng pamilya na kasuhan ang Abra Provincial Hospital dahil sa nangyari.

Handa naman daw ang ospital na harapin ang kaso at nagsasagawa na rin sila ng imbestigasyon tungkol sa nangyari.

Gayunman, patay na raw ang sanggol habang nasa sinapupunan pa lang at kailangan daw itong maalis para mailigtas ang buhay ng ina, ayon sa isang opisyal ng ospital. -- FRJ, GMA News