Patay na at may sugat sa ulo nang matagpuan sa kakahuyan ang isang limang-taong-gulang na babae sa Goa, Camarines Sur.

Sa ulat ni Charm Ragiles sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing huling nakitang buhay ang bata na naglalaro sa kanilang lugar at nagpapabalik-balik sa isang tindahan.

Matapos nito ay inireport na ng mga magulang na nawawala ang bata noong Oktubre 11, ayon sa pulisya.

Makaraan ang magdamag na paghahanap, nakita ang bangkay ng bata sa kakahuyan sa Barangay Matakla, hindi kalayuan sa kanilang bahay.

May sugat siya sa ulo na maaaring hinampas umano ng matigas na bagay.

Sinabi rin ng pulisya na batay sa pahayag ng mga magulang ng bata, iba na ang suot nitong damit nang matagpuan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung sadyang pinaslang ang bata o pinagsamantalahan. --FRJ, GMA News