Nahuli-cam ang pamamaril at pagpatay ng riding in tandem sa isang barangay treasurer sa San Jose, Antique nitong Huwebes.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jose Servano Jr., ng Barangay Del Pilar sa bayan ng Hamtic.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na naglalakad sa gilid ng kalsada sa old capital building, nang tabihan siya ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Bumunot ng baril ang nakaangkas at binaril ang biktima sa likuran.

Mabilis na nakatakas ang mga salarin.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na patungo sana sa bangko si Sevano, kasama ang punong barangay para mag-withdraw ng honorarium.

Palaisipan pa ang motibo sa krimen dahil mabait umano at walang nakakaaway ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salari.--FRJ, GMA News