Patay sa saksak ang isang ginang nang matagpuan sa kaniyang bahay sa Cabuyao, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Tadtad ng saksak ang ginang sa iba't ibang bahagi ng katawan nang matagpuan siya ng kaniyang anak.

Sa inisyal na imbestigasyon, walang nakitang forced entry sa bahay ng biktima, kaya hinala ng mga pulis ay kilala niya ang salarin.

Nagtamo rin ang biktima ng mga sugat sa braso, senyales daw na nanlaban siya sa suspek gamit ang isang basag na bote.

Hindi nakita sa crime scene ang patalim na ginamit sa biktima.

Posible raw na pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil may pautang na pera ang biktima, kumuha raw ito ng loan sa SSS at nawawala ang kaniyang cellphone.

May dalawa nang persons of interest ang pulisya. —KBK, GMA News