Patay ang isang lalaki sa San Miguel, Bulacan matapos barilin ng sarili umano niyang tiyuhin.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing away sa lupa ng tinitingnang motibo sa krimen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, kinilala ang biktima na si Arnel Sanchez, at ang suspek ay ang kanyang tiyuhin na si Henaro Victoria.

Ayon sa mga pulis, nagpunta si Henaro sa bahay ng kanyang pamangkin na si Arnel at saka binaril ang biktima.

 

Sa salaysay ng mga kaanak, sinabing nakatakbo pa umano si Sanchez upang humingi ng tulong sa kanyang kapatid.

Naitakbo pa sa ospital ang biktima, pero hindi na umano ito umabot na buhay.

Nanawagan ang pamilya ng biktima sa suspek na sumuko na.  —LBG, GMA News