Sa loob lang ng limang araw, dalawang lola ang pinaslang sa kani-kanilang bahay sa iisang barangay sa Cabuyao, Laguna. Pero naniwala ang mga awtoridad, hindi magkaugnay ang dalawang krimen at magkaiba rin ang mga suspek.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, kinilala ang isang nasawi na si Primitiva Imboltoryo, 62-anyos, residente sa Barangay Mamatid sa Cabuyao, Laguna.

Natagpuan ang bangkay ng biktima noong Miyerkules sa kaniyang bahay.

Pinagpapalo siya ng matigas na bagay sa ulo at nawawala rin ang kaniyang pera na tinatayang P5,000.

Hinala ng mga awtoridad, kilala ng biktima ang salarin dahil walang palatandaan na puwersahang pinasok ang kaniyang bahay.

Ilang araw bago paslangin si Imboltoryo, isa ring lola sa barangay ang pinasok sa bahay at pinatay na si Angelina Villorico.

Nagtamo ng mga saksak ang biktima at posibleng kilala rin umano nito ang salarin, ayon sa pulisya.

Bukod sa anggulong pagnanakaw, tinitingnan din ng mga awtoridad kung may kinalaman ang negosyong pautang ng biktima bilang motibo sa krimen.

Pero kahit sa iisang barangay lang nangyari ang dalawang krimen, nilinaw ng pulisya na hindi magkaugnay ang dalawang krimen at magkaiba rin ang mga suspek.

Patuloy pa imbestigasyon ng pulisya bagaman tukoy na raw nila ang suspek sa kaso ni Villorico.--FRJ, GMA News