Patay ang isang 19-anyos na rider nang salpukin niya ang isang papalikong pickup truck sa San Jose, Antique.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang papalikong pickup truck na minamaneho ni Fedoli Aroma, sa national highway ng Barangay Funda-Dalipe.

Marahan lang ang pagliko ng pickup truck nang biglang sumalpok sa likuran nito ang isang motorsiklo.

Makikita sa CCTV na mabilis ang takbo ng motorsiklo at sa lakas ng pagkakabangga ay bahagyang umangat ang pickup truck.

Duguan na humandusay ang rider ng motorsiklo na nakilalang si Bryan Ledesma, na residente rin sa naturang lugar.

Nagtamo siya ng matinding sugat sa ulo na kaniyang ikinamatay.

Hindi naman kinasuhan ng pulisya si Aroma matapos makita ng mga awtoridad sa imbestigasyon na si Ledesma ang bumangga sa pickup truck.--FRJ, GMA News