Isang 18-anyos na babae ang inaresto ng mga awtoridad matapos na ireklamo ng kaniyang mga nabiktima umano sa online selling scam. Ang natangay daw ng suspek, umaabot na sa P8 milyon.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA New "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Chase Jasmine Santos, na nagbebenta ng mga damit sa social media.

Ayon kay Lieutenant Colonel Benedict Poblete, Provincial Officer-PNP-CIDG, ginagamit ng suspek ang pangalan ng isang sikat na K-pop group sa modus nito kaya maraming kabataan ang nai-engganyo.

“Most of the victims are youngsters, young business wannabes,” anang opisyal.

Dalawang taon na rin daw isinasagawa ni Santos ang naturang panloloko sa mga biktima na nag-aalok ng mga produkto sa murang halaga pero hindi naman naide-deliver.

Isa mga nagrereklamo na menor de edad ay nagsabing natangayan siya ng P700,000. Habang ang isa pang menor de edad na biktima, P100,000 naman daw ang nakuha sa kaniya.

Kapuwa mayroon ding kani-kanilang online business ang mga biktima.

“Lahat po is nagfe-fail, kahit nung first batch po wala ‘rin pong dumadating, tapos tanggap lang po sila nang tanggap ng pera,” anang isang biktima.

May pagkakataon pa raw na sila ang naba-bash at inaakusahang scammer ng kanilang mga parokyano.

Depensa naman ni Santos, hindi raw nai-deliver sa kaniya ng kaniyang supplier ang mga produkto kaya ibinabalik niya ang ibinayad sa kaniya.

“Yung products nila hindi pa po dumadating sakin. That’s why po nagpapartial refunds na lang po ako sa kanila kasi alam ko naman po na naiipit lang po sila katulad ko po at bata pa po yang mga yan,” ayon kay Santos na nangakong ibabalik ang pera ng mga biktima.

Payo naman ni Poblete sa citizens, makabubuting COD o cash on delivery ang gamiting proseso ng pagbabayad kapag may nais orderin para sa negosyo.

Hanggang sa ngayon, hindi pa naiba-block ang naturang social media account na ginagamit ng suspek—FRJ, GMA News