Dead on the spot nitong Martes ng gabi sa General Martires, Cavite ang dating vice mayor ng Maragondon matapos umanong may nakaalitan dahil sa parking.

Nakilala ang biktima na si Nolito Magallanes na tatakbo sana sa pagka-vice mayor muli ng Maragondon sa Eleksyon 2022, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Nangyari ang insidente pasado alas-sais ng gabi sa harap mismo ng bahay ng biktima sa Barangay Bacao II.

Ang suspek ay ang kaibigan at kapitbahay ng biktima na nakilalang si Robert Amoranto, ayon sa pulisya.

Sa spot report ng pulisya, sinabing nag-iinuman ang biktima at ang suspek nang magtalo sila. Naka-park daw kasi ang sasakyan ng biktima sa basketball court at wala tuloy makapaglaro rito.

Tumayo at umalis ang biktima ngunit sinundan daw ito ng suspek at binaril umano sa harap ng kanyang bahay.

Agad nakatakas ang suspek at ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Samantala, nanawagan naman ang pamilya ng biktima na bigyan sila ng privacy habang inaayos nila ang burol at libing ng biktima.

Dati nang vice mayor si Magallanes sa Maragondon mula 2004 hanggang 2007. —KG, GMA News