Isang bartender ang nasawi matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa nakasalubong na van sa Balaoan, La Union. Ang biktima, napag-alaman na bagong promote sa trabaho.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si George Iry Aragon, 25-anyos.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima galing sa trabaho nang makasalpukan nito ang van.

Posible umanong pagot at puyat ang biktima na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan dahil sa banggaan.

Kuwento ng kaanak ni Aragon, naatraso sa pag-uwi ang biktima dahil kinausap ng kaniyang employer kaugnay sa promotion sa trabaho.

Masakit man sa mga naulilang kaanak ang nangyari, tanggap na nila ang pagkawala ng biktima at hindi na rin magsasampa pa ng reklamo laban sa driver ng van.

Ang nais lang nila ay mabigyan ng maayos na burol at libing ang Aragon.

"Kasi yung kapatid ko kilala ko 'yon, ayaw niya ng mga ganun, ang gusto niya [ma-settle] kaagad," sabi ni Mark Allan, kapatid ng biktima.

--FRJ, GMA News