Patay ang isang 19-anyos na binata mula sa bayan ng Bacolor, Pampanga matapos mabaril ng pulis nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng Unang Balita, nagtamo ng mga tama sa dibdib at leeg ang biktima na si Abelardo Vasquez Jr.

Ayon sa pinsan ng biktima, nagkukwentuhan lang sila sa labas ng bahay nang bigla umano silang sitahin ni Police Corporal Alvin Pastorin.

Naingayan daw ang pulis kanila kaya kinausap ito ng kanilang tiyuhin. Tinulak daw nito ang kanyang tiyuhin.

Hinabol daw ng biktima ang pulis at doon na raw biglang nagpaputok ng warning shot ang pulis. Sinundan daw ito ng tatlo pang putok hanggang sa masawi ang biktima.

Ayon naman sa report ng mga pulis, sinita raw ang mga magpipinsan dahil wala silang suot na face mask at mga damit pang-itaas. Nagkaroon daw ng pagtatalo ang grupo hanggang sa umalis na lang ang pulis at nagtungo sa kanyang sasakyan.

Pinagbabato naman daw ng grupo ang sasakyan ni Pastorin. Nangamba raw ito sa kanyang buhay kaya nagpaputok siya ng baril hanggang sa matamaan ang biktima.

Sa ngayon ay wala pang pahayag mula kay Pastorin ngunit nasa ilalim na ito ng kustodiya ng Bacolor Police.

Samantala, desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso at papanagutin ang suspek. —Sherylin Untalan/KG, GMA News