Dahil sa "kutob," bumalik sa bahay ang isang mangingisda sa Ilocos Sur at doon ay naaktuhan umano niya ang kaniyang misis na kasiping ang kanilang kapitbahay.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng mangingisdang itinago sa pangalang "Ernest," mula sa bayan ng Magsingal, na umalis siya ng bahay ng madaling-araw para mangisda.

Pero bigla raw siyang kinutuban kaya bumalik siya ng bahay at doon na niya inabutan ang kaniyang misis na kasiping ang kalaguyo nito na kapitbahay nila.

Sa galit, sinuntok umano ni Ernest ang lalaki, at tumawag siya ng pulis para ipaaresto ito, kasama ang kaniyang misis.

Sa kulungan, tumangging magsalita ang lalaki, habang itinanggi naman ni misis ang paratang ng kaniyang asawa.

Gayunman, inamin niyang nanliligaw umano sa kaniya ang lalaki.

Desidido naman si Ernest na kasuhan ng adultery ang kaniyang misis at ang kaniyang kapitbahay.--FRJ, GMA News