Nahuli sa CCTV camera ang naganap na panununog sa isang van sa Laoag, Ilocos Norte kahapon ng madaling araw, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Base sa CCTV footage, pumarada ang isang motorsiklo lulan ang dalawang tao sa harap ng isang gate at sinubukan nila itong buksan.

Nang hindi ito mabuksan, umakyat sila sa gate at kalaunay bigla na lang nagliyab ang isang nakaparadang van na natatakpan ng tent. Agad namang tumakas ang mga suspek.

Dali-daling nagising ang caretaker para apulahin ang apoy gamit ang isang fire extinguisher.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, naapula na ang sunog nang makarating sila sa lugar.

Nasunog ang harapang bahagi at makina ng van. Lumabas sa imbestigasyon na sinadya ang pagsunog sa van.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Tumangging magbigay ng pahayag ang caretaker.  — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA News