Huwag maging kampante sa pag-iwan ng mga gamit kahit pa nasa harapan ng kasama. Sa isang establisimyento sa Iloilo City, natangay ng mga kawatan ang isang bag ng babae na iniwan niya sa upuan.

Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regional TV News, makikita sa CCTV footage sa loob ng isang kainan ang isang babae na tumayo mula sa kaniyang kinuupuan.

Iniwan niya ang bag sa upuan habang nasa kabilang bahagi naman ng lamesa ang kasamahan niyang lalaki na kumakain.

Ilang saglit lang, pumasok sa kainan ang nasa lima katao at kunwaring naghahanap ng mapupuwestuhan.

Pinaligiran nila ang lamesa kung saan naiwan ang bag.

Maya-maya lang, isa sa mga kawatan ang kunwaring nagtanong ng oras sa lalaking kumakain.

Sa sandaling pagkalingat ng lalaki, pasimple nang kinuha ng isa pang kawatan ang bag at umalis.

Makikita rin sa CCTV na nagsilbing cover ang iba nilang kasamahan para hindi makita ng ibang kostumer ang kanilang ginawa.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga kawatan.

Kasabay nito ang kanilang paalala sa publiko na maging alisto palagi at huwag maging kampante lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan. --FRJ, GMA News