Isa patay habang lima ang sugatan nang maaksidente ang kotse na kanilang sinasakyan sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing magkakatrabaho sa isang kompanya ang mga biktima.

Ayon sa pulisya, nangyari ang sakuna sa provincial road sa bahagi ng Barangay Balingueo nitong Linggo dakong 12:30 ng madaling araw.

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng kotse at sumalpok sa poste ng gate.

Tumilapon palabas ng sasakyan ang isang biktima at nasawi na kinilalang si Frankin Narvasa. Inabutan naman ng mga residenteng sumaklolo sa loob ng kotse ang limang iba pa na pawang walang malay.

"Allegedly under the influence of liquor siguro dahil Saturday night gumala sila sa Malasiqui. Pauwi na sila around 12:30 ng madaling araw ng Linggo," ayon kay Police Major Rizalino Suarez, hepe ng Sta. Barbara Police.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Balitang Amianan sa mga kaanak ng mga biktima para sa pahayag. --FRJ, GMA News