RAGAY, Camarines Sur - Dead on the spot ang isang babae na sakay ng isang tricycle habang sugatan naman ang dalawa niyang kasama matapos silang masalpok ng isang SUV sa Andaya Highway, Barangay Port Junction, Ragay, Camarines Sur nitong Sabado.

Nangyari ang aksidente dakong 4:00 ng hapon.

Ayon sa report ng Ragay Municipal Police Station, nakahinto sa gilid ng highway ang tricycle at nagbababa ng karga nitong tuyo nang salpukin ito ng SUV.

Bago masalpok ng SUV ang tricycle ay nakasalpukan muna nito ang isang L300 van. Sa tindi ng salpukan ay natanggal ang isang gulong ng SUV sa unahan, at ito ang dahilan kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at dumeretso ito sa nakaparadang tricyle.

Tumagilid naman sa highway ang L300 van na lulan ang 10 tao. Sugatan ang lima sa 10 sakay nito at kaagad na isinugod sa pagamutan.

Kritikal ang kondisyon ngayon ng isa sa mga sakay ng tricycle na isinugod sa isang pagamutan sa Naga City.

Ayon sa driver ng SUV, mabilis ang kanilang takbo ng makasalpukan nila ang L300 van. Hindi na raw kumagat ang preno dahil wala na ang isang gulong sa unahan kaya nasalpok niya ang tricycle.

Hawak na ng Ragay Municpal Police Station ang driver ng SUV. Nakatakdang mag-usap nitong Linggo ng umaga ang driver at ang mga kaanak ng nasawi at nasugatan. —KG, GMA News