Patay ang isang barangay treasurer matapos siyang pagbabarilin habang sakay ng tricycle sa Lagangilang, Abra.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Fidel Lalugan, 26-anyos, ng Barangay Lan-ag sa bayan ng Lacub.

Nangyari ang pamamaril habang bumibiyahe si Lalugan sa bahagi ng Abra-Kalinga Road sa Baragay Tagodtod sa Lagangilang.

Sugatan din ang kasama ni Lalugan na nagmamaneho ng tricycle.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang dalawa nang pagbabarilin sila ng mga nakatakas na salarin.

Sampung basyo ng bala mula sa caliber .9mm na baril ang nakita sa pinagyarihan ng krimen.

Pinag-aaralan ng mga pulisya ang mga kuha ng CCTV camera sa lugar na malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.

May indikasyon umano na posibleng sinundan ng mga salarin ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.

— FRJ, GMA News

Tags: