Isang ama at dalawang bata ang nasawi nang mabangga ng isang trailer truck ang sinasakyan nilang “kolong-kolong” sa Claveria, Cagayan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing ama na si Fernando Carniyan. Gayundin ang anak niyang Angela, 6-anyos, at pamangkin na si Angel Juan, 5-anyos.

Sugatan naman ang asawa ni Fernando na si Roselyn.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing umano sa salu-salo at pauwi na ang mga biktima na sakay ng kolong-kolong o isang uri ng tricycle na minamaneho ni Fernando, nang salpukin sila ng truck, na minamaneho naman ni Juluis Amanonse sa highway na bahagi ng sa Barangay D. Leaño. 

Ayon kay Police Major Krismar Angelo Casilana, hepe ng Claveria police, nang-agaw ng linya ng kalsada ang truck kaya nabangga nito ang kolong-kolong ng mga biktima.

Paakyat itong trailer [truck], medyo mabilis at kumuha o nang-agaw siya ng lane doon sa kabila. Based on investigation, nang-agaw siya ng lane sa opposite side of the road," anang opisyal.

Pakurbada umano ang naturang bahagi ng kalsada na pinangyarihan ng aksidente at walang masyadong ilaw kaya dapat ay maingat ang motorista.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad si Amanonse na mahaharap sa kaukulang kaso.-- FRJ, GMA News