Mahigit P400 milyong halaga ng shabu na nakasilid sa tea bags ang nasabat ng  mga operatiba sa isang drug buy-bust operation sa Marilao, Bulacan.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nakasilid sa tea bags ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng aabot P414 milyon.

Arestado naman ang high-value target na kinilaang si Jalon Laureta, na taga-Cavite.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, madali lamang daw para kay Laureta na makipagtransaksyon sa lalawigan ng Bulacan dahil ipinadadaan umano ng suspek sa ilog at dagat ang droga.

Depensa naman ni Laureta, isinama lamang siya ng kanyang kapatid para magmaneho, pero hindi niya alam na may droga pala sa kotse.

Nauna nang nahuli ang kapatid ng suspek sa hiwalay na operasyon. —LBG, GMA News