Isang lalaki ang nagwala at sumugod umano sa bahay ng isang pamilya at sinasaksak nito ang mag-asawa at batang anak sa Batangas. Kahit sugatan, lumaban ang padre de pamilya at napatay niya ang suspek.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing base sa testimonya ng isa sa mga biktima, lasing umano ang suspek na may dalang patalim at nagsisigaw sa labas ng kanilang bahay sa San Jose, Batangas.

Pero nakapasok umano ng bahay ang suspek nang buksan ng kanilang batang anak ang pinto.

Doon na raw pinagsasaksak ng suspek ang bata. Pinigilan naman ng mga magulang ng bata ang suspek pero sila naman ang inatake nito.

Nang maagaw ng padre de pamilya ang patalim, nasaksak niya ang salarin, na kamag-anak din nila.

Sumaklolo na rin ang mga kabitbahay ng pamilyang biktima.

Isinugod sa ospital ang suspek pero binawian na siya ng buhay.

Nagpapagaling naman sa ospital ang mag-amang biktima dahil sa tinamo nilang mga sugat. Nakauwi na ng bahay ang ina ng bata na nagtamo rin ng mga sugat dahil sa pananaksak.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News