Dalawang araw nang binabarikadahan ng mga residente sa San Luis, Aurora ang limang sasakyan na sakay umano ang mga taong sangkot sa vote buying sa nagdaang Eleksyon 2022.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing lunan sa mga sasakyan ang 18 municipal employees.

Hinarangan at hindi pinaalis ng mga residente ang mga sasakyan dahil naniniwala sila na may mga ebidensiya sa loob ng sasakyan sa nangyari umanong vote buying.

Apat na ang inaresto noong isang araw matapos na manutok ng baril ang isa sa kanila.

May isa ring dinala sa ospital matapos himatayin na posibleng dahil daw sa pagod, puyat at init bungan ng pananatili sa loob ng sasakyan sa loob ng halos dalawang araw.

Hinihintay pa ng mga awtoridad ang search warrant para masuri ang loob ng sasakyan.--FRJ, GMA News