Patay na at hinihinalang ginahasa pa nang matagpuan ang isang limang-taong-gulang na babae sa Batangas City.

Sa ulat ng GMA News "24-Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing base sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay nanonood ng basketball ang biktima pero hindi na siya nakauwi.

Humingi ng tulong ang mga magulang ng bata sa mga awtoridad para hanapin siya.

Pero patay na nang makita ang bata sa likod ng bahay ng suspek na si MC Nair Villanueva.

Natukoy ang suspek dahil sa mga patak ng dugo mula sa palikuran ng kaniyang bahay.

Mahaharap sa reklamong murder si Villanueva, na hindi na nagbigay pa ng pahayag.

Isasailalim naman sa awtopsiya ang mga labi ng biktima. --FRJ, GMA News