Nasawi ang isang batang lalaki na anim na taong gulang matapos siyang saksakin ng sarili niyang ama sa Numancia, Aklan.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na kinuha umano ng 30-anyos na suspek ang kaniyang anak sa bahay ng kaniyang mga biyenan.

Sinubukan daw itong pigilan ng kapatid ng suspek pero nang-amba na raw ito ng saksak.

Dinala ng ama ang kaniyang anak sa kanilang bahay at doon na sinaksak ng suspek ang biktima ng dalawang beses.

Matapos saksakin ang kaniyang anak, nagsaksak din sa sarili ang ama.

Isinugod sa ospital ang bata pero namatay din. Habang ginagamot naman ang ama sa tinamo niyang sugat.

Ayon sa pulisya, hindi maganda ang relasyon ng suspek sa kaniyang asawa.

Naghiwalay daw ang dalawa noong 2021 at nagtatrabaho na sa Boracay ang ginang.

"Ang suspek siguro hindi niya matanggap na wala na, nag-separate na ang kaniyang misis," ayon kay SSG. Felizardo Navarra Jr., imbestigador ng Numancia MPS.

Desidido umano ang ina ng bata na kasuhan ang kaniyang mister dahil sa ginawa sa kanilang anak.--FRJ, GMA News