Nauwi sa rambulan at saksakan ang mainit na laban ng dalawang barangay sa basketball game sa Leon, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Lunes, makikita ang kaguluhan sa basketball court ng Barangay Gumboc sa nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, ang koponan mula sa barangay ng Capt. Fernando at sa Mocol ang naglalaban.

Kabilang umano sa sangkot sa gulo ang ilang player at maging ang ilang nanonood.

"Nang patapos na ang baketball league ang biktima na si Bryan Jose Canapang ay kinompronta si Ronnie Calaor (suspek), at doon nangyari ang hindi pagkakaintindhan nila," ani Police Leiutenant Melchor Tolentino, hepe ng Leon Police Station.

Sinuntok umano ng biktima ang suspek na nasugatan sa braso nang malaglag ang dala nitong patalim.

Nang makatayo ang suspek, kinuha umano nito ang patalim at sinasaksak ang biktima sa dibdib at likod.

Isinugod sa ospital ang biktima, habang inaresto naman ang suspek at sinampahan ng reklamong frustrated homicide.

Pero pansamantalang nakalaya ang suspek matapos magpiyansa.

Inaalam pa ng pulisya ang iba pang sangkot sa nangyaring kaguluhan. --FRJ, GMA News