Arestado ang isang tutor sa Cebu City dahil umano sa ilang beses na panggagahasa sa kayang tinuturuang bata.

Sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing 10-anyos lamang ang biktima.

Ayun sa mga pulis, nagduda ang mga magulang ng biktima sa ikinikilos ng suspek kaya naglagay sila ng CCTV sa loob ng kwarto ng bata.

Dito na nabisto ang pangmomolestiya ng suspek sa biktima.

Napag-alamang nagsimula ang panghahalay sa bata dalawang taon na ang nakararaan.

Nasa trabaho raw ang mga magulang ng biktima tuwing nangyayari ang panghahalay at posible umanong hindi nakapagsumbong ang bata dahil sa trauma.

Aminado ang suspek sa kanyang pagkakasala at pinagsisihan daw niya ito, at sinabing hindi siya guro dahil high school lamang ang natapos niya. —LBG, GMA News