Duguan at wala nang buhay nang makita ang isang mag-asawa sa kanilang tahanan sa Candaba, Pampanga matapos umanong patayin ng sarili nilang anak.

Sa ulat ng CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng awtoridad na sa balkonahe ng bahay nakita ang bangkay ng ama sa Barangay Paniqui.

Nakasubsob naman sa lupa sa loob ng bakuran ng bahay nakita ang bangkay ng ginang.

Parehong nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang mga biktima.

Nadakip naman ang suspek sa krimen na 38-anyos na anak na lalaki ng mag-asawang biktima.

Ayon kay Police Leiutenant Colonel Karen Clark, hepe ng Candaba Police, ang mga opisyal ng barangay ang nagbigay sa kanila ng impormasyon tungkol sa nangyaring trahediya sa pamilya.

Napag-alaman na panganay sa apat na mga anak ng mag-asawa ang suspek.

Pero sa apat, tanging ang suspek na lang ang nasa poder ng mag-asawa.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng mga pulis na labas-pasok na sa rehab center ang suspek dahil sa pagkalulong umano nito sa ilegal na droga.

Ayon kay Clark, sinabi ng mga kaanak ng biktima na may plano na silang ipasok muli sa rehab ang suspek dahil napansin nila ang muling pagbabago nito ng ugali.

Naaresto ang suspek na hindi nagbigay ng pahayag, gayundin ang mga kaanak ng mag-asawa.

Mahaharap sa kasong two counts ng parricide ang suspek. --FRJ, GMA News