Patay na nang datnan ng mga awtoridad sa inuupahang bahay ang isang 25-anyos na babae na sinakal gamit ang cord ng cellphone charger sa Vigan City, Ilocos Sur. Ang suspek, dating nobyo ng biktima na inabutan pa sa lugar.

Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jessa Arola, mula sa Banayoyo, Ilocos Sur.

Nakita ang kaniyang bangkay sa inuupahang bahay sa Barangay Tamag sa Vigan. Inabutan din sa lugar ang suspek na dating nobyo ng biktima na si Dennis Raquel Jr., 27-anyos.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Franklin Ortiz, OIC ng Vigan Police Station, suspek si Raquel sa krimen matapos isumbong ng nakababata nitong kapatid.

Batay umano sa kuwento ng kapatid ng suspek, tumawag ang kaniya ang kaniyang kuya at ikinuwento ang nagawang krimen.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dating magkasintahan hanggang sa mauwi sa pananakal umano ng suspek sa biktima gamit ang cord ng cellphone charger.

Bago ang krimen, sinabi ng kaibigan ng biktima na si Leila Bilgera, na naghanap daw ng extrang padlock si Arola para kaniyang kuwarto.

Nabanggit din daw nito ang problema sa dating kasintahan.

Patuloy pa ang imbestigason ng pulisya sa krimen habang tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nakadetine sa himpilan ng pulisya.--FRJ, GMA News