Ginahasa, pinagnakawan at pinagsasaksak ang isang 26-anyos na single mother sa Cavite. Ang salarin, pinsan ng biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng nakaligtas na biktima na itinago sa pangalang "Leslie," na halos siyam na saksak sa iba't ibang parte ng katawan ang kaniyang tinamo.

Nangyari umano ang pag-atake sa kaniya ng kaniyang pinsan noong gabi ng Mayo 30.

Ayon sa biktima, nabisto niyang nagtatago ang suspek sa ilalim ng lababo. Pinakiusapan daw niya itong umalis pero tumanggi.

“Pina-block na niya po [yung pintuan], doon na kami nag-agawan na ginaganun-ganun ko yung padlock, tapos ginaganun niya rin sir, doon na ako kinabahan,” ani Leslie.

Kumuha ng patalim ang suspek at itinutok sa kaniya. Hindi alam ng suspek na palihim na nakapag-video ang biktima gamit ang cellphone.

Madidinig ang pagsigaw ng biktima para humingi ng tulong at doon na siya inundayan ng saksak ng kaniyang pinsan.

“Pinagtanggol ko talaga yung sarili ko, habang sinusuntok niya ako sinasaksak niya ako atras ako nang atras,” ani Leslie.

Nang madinig ng suspek na may dumarating, tumakas na ito at nakuha ang pera ng biktima.

“Hindi ko inexpect na ganun, talagang gusto niya akong patayin nung time na 'yon kung hindi lang ako nakipaglaban,” anang biktima.

“Paano kung namatay ako sa loob ng bahay, paano yung dalawa kong anak, sinong bubuhay ang liit-liit pa, wala naman akong ginawa sa'yong kasalanan, ang bait ko,” hinanakit niya sa suspek.

Nangako ang pulisya na bibigyan ng hustiya ang biktima.--FRJ, GMA News