Isang rider ang arestado matapos niyang iwasan ang police checkpoint at mabangga pa ang pulis na humarang sa kaniya sa Bangued, Abra.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera na nag-u-turn ang rider nang makita ang checkpoint.

Sa kaniyang pag-ikot, kaagad na may pumara sa kaniya para tumigil pero umarangkada pa rin ang rider.

Doon na niya nakasalubong ang isang pulis na kaniyang nabangga at nadaganan ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, walang lisensiya ang rider at paso na ang rehistro ng dala niyang motorsiklo.

Paliwanag naman ng rider na nakakulong, napihit niya ang silinyador ng motorsiklo kaya niya nabangga ang pulis.

Patong-patong na reklamo ang kaniyang kinakaharap bukod sa mga multa dahil sa kaniyang mga paglabag sa pagpapatakbo ng motorsiklo.--FRJ, GMA News