Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa harapan ng isang pawnshop sa Balayan, Batangas. Ang security guard sa bahay-sanglaan, sugatan.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jimmy Mirabueno, 38-anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papasok daw sa pawnshop ang biktima nang biglang dumating ang dalawang salarin na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril si Mirabueno.

Ayon kay Police Major Alverto Nogoy Jr., hepe ng Balayan Police Station, nahuli noong 2019 ang biktima sa kasong ilegal na droga.

Anim na basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Nadamay naman sa pamamaril ang security guard ng pawnshop na tinamaan ng bala sa hita.

Ayon kay Nogoy, nasa maayos na kalagayan ang sekyu at hindi ito ang target ng mga salarin.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagpatay sa biktima. Pero ayon kay Nogoy, batay sa nakalap nilang impormasyon ay nagkaroon umano ng problema ang biktima sa mga dating kasamahan na "katransaksyon" nito.

Sinusubukan pa na makunan ng pahayag ng mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News