Patay ang pito katao sa barilang nangyari sa gitna ng paghahain ng arrest warrant sa ilang suspek sa Rajah Buayan sa Maguindanao. Apat naman umano ang arestado sa insidente.

Batay sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabi sa Unang Balita nitong Huwebes na maghahain sana ang mga pulis ng arrest warrant laban sa tatlong suspek, pero pinagbabaril daw sila agad kaya napilitan silang gumanti.

Patay ang dalawang target ng operasyon na may kasong frustrated murder at robbery with homicide.

Napatay din ang limang iba pang kasama ng mga suspek. Isang pulis naman umano ang nasugatan sa insidente.

Samantala, apat naman na kasama ng mga suspek ang arestado.

Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng engkwentro ang ilang matataas na kalibre ng baril, mga bala, at isang grenade launcher. —LBG, GMA News