Arestado ang tatlong wanted sa kasong murder, at frustrated murder sa operasyon ng Regional Special Operations Unit (RSOU) sa Northern Mindanao.

Iniulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes na pagdating ng mga operatiba sa lugar ng kanilang target, naaresto kaagad si Roel Ojagan na wanted sa Region 10 dahil kasong murder at frustrated murder.

Samantala, matapos ang 18 taong pagtatago, nahuli naman ng mga taga-RSOU ang magkapatid na Raymundo Tatayan, at Dionisio Tatayan na wanted din sa kasong murder dahil sa pagpatay sa isang barangay official sa Ozamiz City.

Nagtago raw sa Region 13 ang magkapatid para makaiwas sa huli.

Sinisikap pang makuha ang panig ng mga inaresto. —LBG, GMA News