Inireklamo ng isang 17-anyos na babae ng panggagahasa ang lalaking chatmate niya at nakilala sa social media sa Anilao, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagkasundo ang biktima at suspek na magkita noong Lunes ng gabi.

Sinundo umano ng ilang kaibigan ng suspek ang biktima. Pero pagdating sa tubuhan na hindi kalayuan sa bahay ng biktima, nangyari na umano ang panghahalay.

Bukod sa ka-chatmate, dinakip din ang tatlong kaibigan ng suspek na nagsilbi umanong lookout sa nangyaring krimen.

Nasa edad 21 hanggang 24 ang mga suspek na tumangging magbigay ng pahayag, at mahaharap sa kaukulang kaso.

Hindi na rin nagbigay pa ng panayam ang biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News