Arestado ang isang lalaki sa Mandaue City, Cebu dahil umano sa pagbabantang pagpapakalat ng maseselang litrato ng biktima na dating niyang kasintahan.

Ayon sa Unang Balita nitong Biyernes, iniulat ng Super Radyo Cebu na gusto raw makipagbalikan ang 21-anyos na suspek sa dating kasintahan pero tinanggihan siya nito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nagbanta ang suspek na ipakakalat ang mga maseselang litrato at video ng biktima sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak.

Kinumpiska na umano ng mga pulis ang cellphone ng suspek upang masuri ng Philippine National Police-Cybercrime Unit.

Nahaharap ang suspek sa reklamong Cybercrime.

Walang pahayag ang suspek. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News